Ito'y isá sa m~ga cadahilanan cayâ ayaw acóng makisunod sa bagong palacad na isulat n~g P cahi't ang pinanggalin~ga'y F, gaya sa halimbáwà n~g Filipinas, Fernando, Faustino na may m~ga sumusulat n~gayon n~g Pilipnas, Pernando, Paustino. Gayon ma'y iguinagalang co at hindi co pinipintasan ang sa ibang caisipan at palacad na sinusunod.--Upang maipan~gusap ang "efe" ay idinadaiti ang labi sa m~ga n~giping itaas sacâ magpalabás n~g han~gin sa pagsasalitâ n~g letra.--P.H.P.

[93] Pinupuri cata. Pasimulâ n~g isáng dasál sa Dios na wicang latíng sinasabi n~g m~ga pári at iba pang católico bago cumain.

[94] Tinatawag n~g m~ga castilang "Península" ang España.--"Peñinsula" ang sabi ni Doña Victorina, sa pagca't siya'y isá riyan si m~ga babaeng tagálog na nagcacasticastilaan ay bago'y hindî man lamang marunong man~gusap n~g wicang castilà. Ang tunay na cahulugan n~g Península ay ang lupang halos naliliguid n~g tubig magcabicabilà.--P.H.P.

[95] Tulad sa tinatawag nating wicang "castilàng tinda." Halohalong salitang inglés, insic, portugués at malayo; gaya namán n~g nangyayari na rito sa Filipinas tungcol sa pananalitâ n~g inglés na halohalò n~g inglés, castila't tagalog.--P.H.P.

[96] Guillermo Shakespeare, dakilang poetang inglés at isa sa m~ga pan~gulong dramático sa sangcataohan. Ipinan~ganac sa Strafford n~g 1564 at namatay n~g 1616. Ang m~ga pan~gulong sinulat niya'y ang "Macbet," "Romeo at Julieta", "Hamlet," "Otelo," "Ang Mercader sa Venecia," "Ang panaguinip n~g isáng gabíng tag-araw" at iba pa.--P.H.P.

[97] Ang caharian n~g China.

[98] Pan~galawáng libro n~g Pentatesco ni Moisés.--Ang paglalacbay sa ibang lupain n~g m~ga túbò sa isáng nación ó báyan, na siyáng cahulugán dito.

=IV.=

=HEREJE AT FILIBUSTERO=

Nag-aalinlan~gan si Ibarra. Ang han~gin sa gabí, na sa m~ga buwáng iyó'y caraniwang may calamigán na sa Maynilà, ang siyáng tila mandín pumawì sa canyáng noo n~g manipís na úlap na doo'y nagpadilím: nagpugay at humin~gá.

Nagdaraan ang m~ga cocheng tila m~ga kidlá't, m~ga calesang páupahang ang lacad ay naghíhin~galô, m~ga naglálacad na tagá ibá't ibáng nación. Tagláy iyáng paglacad na hindî nan~gagcacawan~gis ang hacbáng, na siyáng nagpapakilala sa natitilihan ó sa waláng mágawà, tinun~go n~g binatà ang dacong plaza n~g Binundóc, na nagpapalin~gap-lin~gap sa magcabicabilà na wari'y ibig niyáng cumilala n~g anó man. Yao'y ang m~ga dating daan at m~ga dating báhay na may m~ga pintáng putî at azul at m~ga pader na pinintahán n~g putî ó cung dilî caya'y m~ga anyóng ibig tularan ang batóng "granito" ay masamâ ang pagcacáhuwad; nananatili sa campanario n~g simbahan ang canyáng relós na may carátulang cupás na; iyón ding m~ga tindahan n~g insíc na iyóng may marurumíng tabing na násasampay sa m~ga varillang bacal, na pinagbalibalicucô niyá isáng gabí ang isá sa m~ga varillang iyón, sa pakikitulad niyá sa masasama ang pagcaturong m~ga bátà sa Maynilà: sino ma'y waláng nagtowíd niyón.

--¡Marahan ang lacad!--ang ibinulóng, at nagtulóy siyá sa daang Sacristía.

Ang m~ga nagbíbili n~g sorbete ay nananatili sa pagsigáw n~g: ¡Sorbeteee! m~ga huepe rin ang siyáng pang-ilaw n~g m~ga dating nan~gagtítindang insíc at n~g m~ga babaeng nagbíbili n~g m~ga cacanin at m~ga bun~gang cahoy.

--¡Cahan~gahan~gà!--ang sinabi niyá--¡itó rin ang insíc na may pitóng taón na, at ang matandáng babae'y ... siyá rin! Masasabing nanaguinip acó n~g gabíng itó sa pitóng taóng pagca pa sa Europa!.. at ¡Santo Dios! nananatili rin ang masamang pagcálagay n~g bató, na gaya rin n~g aking iwan!

At naroroon pa n~ga't nacahiwalay ang bató sa "acera" n~g linílicuan n~g daang San Jacinto at daang Sacristía.

Samantalang pinanonood niyá ang catacatacáng pananatiling itó n~g m~ga báhay at ibá pa sa báyan n~g waláng capanatilihán, marahang dumapò sa canyáng balicat ang isáng camáy; tumungháy siyá'y canyáng nakita ang matandáng Teniente na minámasdang siyáng halos nacan~gitî: hindî na tagláy n~g militar yaóng mabalasic niyáng pagmumukhâ, at walâ na sa canyá yaóng m~ga kilay na totoong canyáng ikinatatan~gì sa ibá.

--¡Bagongtao, magpacain~gat cayó! ¡Mag-aral pô cayó sa inyóng amá--ang sinabi niyá.

--Ipatawad pô ninyó; n~guni't sa acalà co'y inyóng pinacamahál ang aking amá; ¿maaarì pô bang sabihin ninyó sa akin cung ano ang canyáng kináhinatnan?--ang tanóng ni Ibarra na siyá'y minámasdan.

--¿Bakit? ¿hindî pô bâ ninyó nalalaman?--ang tanóng n~g militar.

--Itinanóng co cay Capitáng Tiago ay sumagót sa aking hindî niyá sasabihin cung dî búcas na. ¿Nalalaman po bâ ninyó, sacalì?

--¡Mangyari bagá, na gaya rin namán n~g lahát! ¡Namatáy sa bilangguan!

Umudlót n~g isáng hacbáng ang binatà at tinitigan ang Teniente.

--¿Sa bilangguan? ¿sinong namatáy sa bilangguan?--ang itinatanóng.

--¡Abá, ang inyó pong amá, na nábibilanggô!--ang sagót n~g militar na may cauntíng pangguiguilalás.

--Ang aking amá ... sa bilangguan ... ¿napipiít sa bilangguan? ¿Anó pô ang wicà ninyó? ¿Nakilala pô bâ ninyó ang aking amá? ¿Cayó pô ba'y ...? ang itinanóng n~g binatà at hinawacan sa brazo ang militar.

--Sa acalà co'y hindî acó námamalî; si Don Rafael Ibarra.

--¡Siyá n~ga, Don Rafael Ibarra!--ang marahang ùlit n~g binatà.

--¡Ang boong ísip co'y inyó pong nalalaman na!--ang ibinulóng n~g militar, na puspós n~g habág ang anyô n~g pagsasalitâ, sa canyáng pagcahiwatig sa nangyayari sa cálolowa ni Ibarra; ang acalà co'y inyóng ...; n~guni't tapan~gan ninyó ang inyóng loob! ¡dito'y hindî mangyayaring magtamóng capurihán cung hindî nabibilanggô!

--¡Dapat cong acaláing hindî pô cayó nagbíbirô sa akin--ang mulîng sinabi ni Ibarra n~g macaraan ang iláng sandalíng hindî siyá umíimic! ¿Masasabi pô bâ ninyó sa akin cung bakit siyá'y nasasabilangguan?

Nag-anyóng nag-iisip-isip ang militar.

--Ang aking ipinagtátacang totoo'y cung bakit hindî ipinagbigay alam sa inyó ang nangyayari sa inyóng familia.

[Larawan:--¡Binatà, mag-ín~gat pô cayó! ¡Mag-aral cayó sa inyóng amá!--anáng teniente sa canyá.--Imp. de M. Fernández Paz, 447, Sta Cruz.]

--Sinasabi sa akin sa canyáng hulíng sulat, na may isáng taón na n~gayón, na huwág daw acóng maliligalig cung dî niya acó sinusulatan, sa pagcá't marahil ay totoong marami siyang pinakikialamán; ipinagtatagubilin sa aking magpatuloy acó n~g pag-aaral ... at ¡benebendicìonan acó!

--Cung gayó'y guinawâ niyá ang sulat na iyán sa inyó, bago mamatay; hindî malalao't mag-íisang taón n~g siyá'y aming inilibíng sa inyóng bayan.

--¿Anóng dadahilana't nábibilanggô ang aking amá?

--Sa cadahilanang totoong nacapagbíbigay puri. N~guni't sumama pô cayó sa aki't acó'y paroroon sa cuartel; sasabihin có han~ggáng tayo'y lumalacad. Cumapit pô cayó sa aking brazo.

Hindî nan~gag-imican sa loob n~g sandalî; may anyóng nagdidilidili ang matandâ at wari'y hiníhin~gi sa canyáng "perilla,"[99] na hinihimashimas, na magpaalaala sa canyá.

--Cawan~gis n~g lubós pô ninyóng pagcatalastás--ang ipinasimulâ n~g pagsasalitâ--ang amá pô ninyó'y siyáng pan~gulo n~g yaman sa boong lalawigan, at bagá man iniibig siyá't iguinagalang n~g marami, ang m~ga ibá'y pinagtatamnan namán siyá n~g masamáng loob, ó kinaíinguitán. Sa casaliwàang palad, camíng m~ga castilang naparito sa Filipinas ay hindî namin inuugalì ang marapat naming ugalíin: sinasabi co itó, dahil sa isá sa inyóng m~ga nunong lalaki at gayón din sa caaway n~g inyóng amá. Ang waláng licát na paghahalihalilí, ang capan~gitan n~g asal n~g m~ga matataas na púnò, ang m~ga pagtatangkilic sa di marapat, ang camurahan at ang caiclîan n~g paglalacbay-bayan, ang siyáng may sála n~g lahát; pumaparito ang lalong masasamâ sa Península, at cung may isáng mabaít na máparito, hindî nalalao't pagdaca'y pinasásamâ n~g m~ga tagarito rin. At inyóng talastasíng maraming totoong caaway ang inyóng amá sa m~ga cura at sa m~ga castílà.

Dito'y sandalíng humintô siyá.

--N~g macaraan ang iláng buwán, búhat n~g cayó po'y umalís, nagpasimulâ na ang samàan n~g loob nilá ni párì Dámaso, na dî co masabi ang tunay na cadahilanan. Biníbigyang casalanan siyá ni párì Dámasong hindî raw siyá nagcucumpisal: n~g una'y dating hindî siyá nan~gun~gumpisal, gayón ma'y magcaìbigan siláng matalic, na marahil natatandaan pa pô ninyó. Bucód sa rito'y totoong dalisay ang capurihán ni Don Rafael, at higuít ang canyáng pagcabanál sa maraming nan~gagcucumpisal at nan~gagpapacumpisal: may tinútunton siyá sa canyáng sariling isáng cahigpithigpitang pagsunód sa atas n~g magandáng asal, at madalás sabihin sa akin, pagca násasalitâ niyá ang m~ga sámàang itó n~g loob: "Guinoong Guevara, ¿sinasampalatayanan po bâ ninyóng pinatatawad n~g Dios ang isáng mabigát na casalanan, ang isáng cusang pagpatáy sa cápuwâ táo, sa halimbáwà, pagcâ, nasabi na sa isáng sacerdote; na táo rin namáng may catungculang maglihim n~g sa canyá'y sinasaysay, at matacot másanag sa infierno, na siyáng tinatawag na pagsisising "atricion"? ¿Bucod sa duwag ay waláng hiyáng pumapanatag? Ibá ang aking sapantahà tungcól sa Dios--ang sinasabi niyá--sa ganáng akin ay hindî nasasawatâ ang isáng casam-an n~g casam-an din, at hindî ipinatatawad sa pamamag-itan n~g m~ga waláng cabuluháng pag-iyác at n~g m~ga paglilimós sa Iglesia." At inilálagáy niyá sa akin ang ganitóng halimbáwà:--"Cung aking pinatáy ang isáng amá n~g familia, cung dahil sa catampalasanan co'y nabao't nálugamì sa capighatìan ang isáng babae, at ang m~ga masasayáng musmós ay naguíng m~ga dukháng ulila, ¿mababayaran co cayâ ang waláng hanggang Catowiran, cung aco'y cusang pabitay, ipagcatiwalà co ang líhim sa isáng mag-iin~gat na howag máhayag, maglimós sa m~ga cura na siyáng hindî tunay na nan~gagcacailan~gan, bumilí n~g "bula de composición," ó tuman~gistan~gis sa gabí at araw? ¿At ang bao at ang m~ga ulila? Sinasabi sa akin n~g aking "conciencia"[100] na sa loob n~g cáya'y dapat acóng humalili sa táong aking pinatáy, ihandóg co ang aking boong lacás at hanggáng aco'y nabubuhay, sa icágagalíng n~g familiang itóng acó ang may gawâ n~g pagcapahamac, at gayón man, ¿sino ang macapagbibigay n~g capalít n~g pagsintá n~g amá?"--Ganyán ang pan~gan~gatuwiran n~g inyó pong amá, at ang anó mang guinagawa'y isinasangayong láguì sa mahigpit na palatuntunang itó n~g wagás na caasalán, at masasabing cailán ma'y hindî nagbigáy pighatî canino man; baligtád, pinagsisicapan niyáng pawîin, sa pamamag-itan n~g magagandáng gawâ, ang m~ga tan~ging casawìan sa catuwirang, ayon sa canyá'y guinawâ raw n~g canyáng m~ga nunò. Datapuwa't ipanumbalic natin sa canyáng samaan n~g loob sa cura, ang m~ga pagcacaalit na ito'y lumúlubhà; binábangguit siyá ni párì Dámaso buhat sa púlpito, at cung dî tinutucoy siyá n~g boong liwanag ay isáng himalâ, sa pagca't sa caugalian n~g paring iyá'y mahihintay ang lahát. Nakikinikinita co nang masamâ ang cahahangganan n~g bagay na itó.

Muling humìntóng sandali ang matandáng Teniente.

--Naglílibot n~g panahón iyón ang isáng naguíng sundalo sa artillería, na pinaalís sa hucbó dahil sa malabis na cagaspan~gán n~g canyáng ásal at dahil sa camangman~gang labis. Sa pagca't kinacailan~gan niyáng mabuhay, at hindi pahintulot sa canyá ang magtrabajo n~g mabigát na macasisirà n~g aming capurihan[101], nagtamó siyá, hindî co alám cung sino ang sa canyá'y nagbigáy, n~g catungculang pagca maninin~gil n~g buwís n~g m~ga carruaje, calesa at ibá pang sasacyán. Hindî tumanggáp ang abâ n~g anó mang túrò, at pagdaca'y napagkilala n~g m~ga "indio" ang bagay na itó: sa ganang canilá'y totoong cahimahimalâ, na ang isang castilà'y hindî marunong bumasa't sumulat. Pinaglilibacan ang culang palad, na pinagbabayaran n~g cahihiyan ang násisin~gil na buwís, at nalalaman niyáng siyá ang hantun~gan n~g libác, at ang bagay na itó'y lalong nacáraragdag n~g dating masamâ at magaspáng niyang caugalîan. Sadyang ibinibigay sa canyá ang m~ga sulat n~g patumbalíc; nagpapaconwarî siya namáng canyang binabasa, at bago siyá pumifirma cung sáan nakikita niyang waláng sulat, na ang parang kinahig n~g manóc na canyáng m~ga letra'y siyáng larawang tunay n~g canyáng cataohan; linálan~gap niyá ang masasacláp na cairin~gang iyón, n~guni't nacacasin~gil siyá, at sa ganitóng calagayan n~g canyang loob ay hindi siyá gumagalang canino man, at sa inyóng ama'y nakipagsagutan n~g lubhang mabibigat na m~ga salitâ.

Nangyari isáng araw, na samantalang pinagpipihitpihit niyá ang isáng papel na ibinigáy sa canyá sa isáng tindahan, at ibig niyáng málagay sa tuwíd, nagpasimuláng kinawayán ang canyáng m~ga casamahan n~g isáng batang nanasoc sa escuela, magtawá at itúro siya n~g dalirì.